Bawat pintig ng orasan, dib dib ko’y kumakabog, dapat na bang tuluyan?
Habang pinagmamasdan ko ang kalawakan, ramdam ko ang mahinang tapik ng hangin sa aking mga balikat at sinasabing, ginawa mo na ang lahat. Habang ako’y nakatayo sa bingit ng mga huling minuto ng gabi, ramdam ko ang yakap ng dilim, at ako’y inaangkin, pinapakasalan ang matagal na niyang mithiin.
Ang makitid na hawakan ay siya na ngayo’y aking tungtungan. Ito ang huli kong pagkakataon upang aking masubukan ang muling pagbangon para sa kinatatakutang kinabukasan. Pudpod na ang hagdang aking ginagamit upang masilip ang mga nakakalat na mga bahay sa paanan ng gusaling panahanan. Nakatutuwa na masilayan, kahit sa isang angulo lamang, ang kariktan ng mundong nagturo sakin ng kasakiman. Mga liwanag na lumilipad, kahit na mahina ang kislap, parang mga bituin sa aking talampakan habang ako’y nakasakay sa ulap na kinakalawang. Marahil sa ilang pagkakataon, kayang rin maipakita ng kalungkutan ang mga ganda na di natin masilayan sa likod ng bawat ngiti’t halakhak.
Mga huling sulyap sa tahanan na aking kinalakhan bago sa dilim ako makikipagtanan. Bawat panaginip at masayang alaala’y bumabalik sa aking kaisipan, ngunit huli na ang lahat, sadyang huli na ang lahat. Tanging nasa isip ko na lamang, may makapapansin ba sa aking paglisan, o kaya’y pagbagsak ri’y maibabaon lamang sa kailaliman ng karagatan. May mga luha rin bang bubuhos kasabay ng pagpatak ng aking huling salita. May makararating pa kaya, kahit sa huling sandali na ako’y buhay pa?
Unti unti’y nararamdaman ko ang lubid na nag huhulma sa amin ng esposang kadiliman kahit tanging hangin lamang ang huling dumadampi sa balat kong pinagpapawisan.
*hinga*
*hinga*
Kaya ko ito. Kaya ko rin, na ang aking puso’y sundin. Ngunit bakit kahit huling gawain ni di ko manlang kayang tapusin? Kamay ko’y nanginginig habang hawak ang gatilyo ng baril, nag aantay na marinig na lamang ang putok, tila inaabangan na ang dilim ang kumalabit sapagkat, sa katahimika’y akoy nahahayok. Bakit di ko magawang itulak ang upuang papalayo at mahulog habang sapo ng lubid ang aking batok? Bakit sa huling pagkakataon ako’y walang anuma’t isa lamang na kabiguan? Tititigan ko lamang ang aking paglalagakan. Iiyakan, magsosorry, di ko kayang panghawakan.
Papalapit nang papalapit. Ang oras ay aking hahabulin. Tinutungo ko ang altar kung saan habambuhay kong kasama ang kadiliman. Tila ba’y belo sa aking ulo sagabal sa kung ano ang gusto.
Sana’y may makapansin.
Sana’y may pumigil.
Sana’y may magmahal.
Sana manlang ay may makaintindi.
Ngunit di na ako birhen sa sakit at galit na sa akin ay ipinadama; ng mundo, ng pagmamahal, ng pag-asa… ninyo. Ako’y laspag sa pang-aapi ng sambayanan, di nila alam, sa loob ko rin ay may digmaan.
Bat di mo magawang maging mabait?
Bat di mo kayang makisama?
Bat lagi ka nalang mahina?
Bakit di mo kayang sumaya?
Ano ba ang mali?
Ano ba ang kayang gawin?
At tila ba ang kadiliman nalang ang di ko pa nararating, kaya’t siya’y nabalakang tahakin.
Ako’y bumagsak, lanta sa sahig ng aking kwarto. Ako’y nakahandusay sa lapag, humihikbi, nagsosorry sa sarili, nagsusumamo. Unti-unti igagapang ang sarili sa sulok, iiyak at iiyak. Ganto nalang ba ba gabi-gabi? Kelan matatatapos? Kelan titigil ang luha sa pagbuhos?
Umuumaga na, araw ay sumisilip sa may bukana. Telepono ko’y tumunog, tumatawag aking kaibigan; nangangamusta, nagtataka.
“Bat hindi mo na ako tinawagan kagabi?” ani’ya.
Konti may kislap sa pundidong bumbilyang matagal nang hindi gumagana. Natahan ang aking pagnangis. Kahit papaano’y naibsan ang pagnanais.
Ako’y nagkamali, siguro’y nagdaang gabi, isang kabiguan uli. Ngunit nang sa pagbuntong hininga niya mga kasunod na salita’y naibsan ang dalamhati.
“Basta’t kung gusto mo ng may nakakausap, wag kang mag atubili. Ako’y narito para sa’yo, di mo na kailangang sa iba pa maghanap. Gising na, kaibigan at ating pagpatuloy ang ating kasalukuyan.”
Project Maskyulinity is a five-episode animated series to spread awareness about toxic masculinity aimed toward Filipino children It is a collaboration between Media X (Noreen Caa
"I wanted to get these out before I grew too old for the particular brand of millennial misery poems Maybe later on I’ll call it the lost days And maybe even later I’ll just ca
"a tribute to the broken: an open letter" Broken, scathed, scarred, and worst, shattered like tiny pieces of sharp-edged fragments of glasses Barely breathing, barely breathing, b